Tuesday, March 31, 2020

Bongbong Marcos, kumpirmadong positibo sa COVID-19


Kumpirmadong tinamaan umano ng nakamamatay na sakit na coronavirus (COVID-19) si dating senador na si Bongbong Marcos ayon sa naging pahayag ng kanyang kampo, Martes.

Ayon sa tagapagsalita ng kampo ni Bongbong, gumaganda na raw umano ang kondisyon ni Bongbong matapos ilabas ang resulta ng COVID-19 test ng dating senador.

"GUMAGANDA na ang kondisyong pangkalusugan ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. makaraang ihayag sa resulta ng clinical test na isinagawa ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na siya’y positibo sa COVID-19," ayon kay Victor Rodriguez.

“Simula noong Marso 13, 2020 hanggang sa ngayon ay sinusunod ng dating senador ang health protocol sa mga PUI at taimtim at tahimik nyang tinupad ang ipinaiiral na proseso ng gamutan, ‘tulad ng safety mask at self-quarantine, at walang ingay na inilayo ang kanyang sarili maging sa kanyang pamilya ‘gaya ng isang simple, responsable at ordinaryong pasyente,” dagdag pa ni Rodriguez.

Inihayag ito matapos kumpirmahin ni Sen. Imee Marcos na masama umano ang pakiramdam ng kanyang kapatid pagkauwi nito galing sa Europa.

"Pagkagaling ko sa Europa, tumungo agad ako noong sumunod na araw, Marso 14, 2020 sa isang ospital upang magpasuri dahil sa medyo may pananakit ang aking dibdib at upang matiyak ang aking kondisyong pangkalusugan dahil sa mga panahong ‘yon ay lumalaganap na ang coronavirus," sabi ni Marcos.


Nauna nang binanggit ng kanyang misis na si Liza Marcos na sumailalim na ang kanyang buong pamilya at staff sa COVID-19 test at nag-negatibo raw ang mga ito.

****

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.