Tuesday, March 31, 2020

Lola, ipinamigay ang laman ng sari-sari store sa mga kapitbahay na hindi pa nabigyan ng relief goods


Imbes na ibenta ng 70-anyos na si Evelina "Belina" Torres ng Bgy. San Isidro, Cainta, Rizal ang laman ng kanyang sari-sari store ay minabuti nalang nitong ipamahagi sa kanyang mga kapitbahay na hindi pa nabibigyan ng relief goods.

Ayon sa Facebook post ng kanyang apo na si Marites Edroso, sobrang naawa raw umano ang kanyang lola sa mga taong hindi makatrabaho dahil sa lockdown.

"Nagsara na ng tindahan si Nanay Belina, walang natatanggap na relief goods ang street namin, kaya sya na lang daw ang magkakawang gawa. Kaya yung mga tinda nya pinamimigay na lang nya sa mga mas nangangailangan." ayon sa apo na si Marites Edroso.

Kahit na nasa bahay lang si lola Belina dahil sa enhanced community quarantine, hindi parin umano nawawala sa kanyang ang pagiging matulungin at pagmamalasakit sa kanyang kapwa.

Sa mga larawan na ibinahagi ng kanyang apo, makikitang nasa tindahan si lola Belina habang hawak ang ibang paninda nito na iniaabot ang supot na may lamang biskwit at sachet ng kape.

Kwento ng kanyang apo, magdadalawang linggo na umanong walang natatanggap na relief goods ang kanilang lugar kung kaya naman naawa ito sa mga kapitbahay ng walang trabaho dahil sa lockdown.

"Sabi ni Nanay, 'Marami naman tayong stock, eh 'di itulong na lang'," ani Marites.

Agad din daw ipina-laga ni lola ang mga natirang itlog sa kanyang tindahan upang ipamahagi sa mga kapitbahay.

"Sana maka-inspire ito sa iba na kung makaluluwag ka naman, tulungan mo na rin ang iba," ani Marites.

****

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.