Tuesday, March 31, 2020

Matandang mangangalakal na hindi nakakain ng 2 araw dahil sa lockdown, binigyan ng tulong


Kamakailan lamang ay nag-viral sa social media ang ginawang pagtulong ng netizen na si Maemae Surio sa isang matandang mangangalakal na hindi nakakain ng dalawang araw dahil sa umiiral na lockdown sa buong Luzon.

Ayon kasi kay Maemae, lumapit sa kanya si lolo Antonio Pabita upang manghingi ng pambili ng makakain dahil dalawang araw na umano siyang hindi kumakain ganun din ang apo niyang Grade 2.

Naawa si Maemae sa kalagayan ni lolo kung kaya naman binigyan niya ito biskwit at gatas upang kahit papaano ay mainitan ang kumakalam na sikmura ng matanda.

Dahil pangangalakal lamang ang ikinabubuhay ng matanda, wala umano siyang kinikitang pera ngayon dahil pinagbabawalan silang mag-ikot dahil sa naka-quarantine pa rin ang Luzon. 


Dahil sa viral post ni Maemae sa social media ay marami umanong nag-tag sa isang sikat na vlogger na si Basel Manadil mas kilala sa tawag na "The Hungry Syrian Wanderer" kung kaya naman agad siyang pinuntahan at nag-abot ng tulong sa matanda.

"The post I saw and people tagged me on the comments. Lucky for Tatay we are on the same City so I didnt waste time to help him right away the next morning ❤" ayon sa post ni Basel
Agad na pinuntahan ni Basel si tatay Antonio sa kanilang bahay sa Las Piñas, Annex Camatsili para mag-abot ng grocery at pera upang hindi namagutom ulit sa panahong naka-lockdown ang bansa.

Paliwanag ni Basel, ibinahagi niya ito hindi dahil para ipagmalaki sa mga tao kundi para imulat na marami tayong kababayan na nagugutom na at nangangailangan ng tulong sa panahon ng krisis sa bansa dulot ng COVID-19.

Ayon pa kay Basel, sana ay maging inspirasyon ito upang magtulungan ang bawat isa sa abot ng makakaya upang tuluyan nang mapigilan ang pagkalat ng nakakamatay na sakit na coronavirus.

****

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.